Operational dry run ng Sangley Airport tagumpay ayon sa DOTr
Tagumpay ang pagsasagawa ng operational dry run ng Sangley Airport araw ng Martes.
Ayon sa pahayag ng Department of Transportation (DOTr), walang nangyaring aberya sa pagsalubong ng paliparan sa kauna-unahang cargo flight nito, ang ATR 72-500 freighter mula sa Cebu Pacific.
Matapos lumapag ang freighter, inanunsyo ni Transportation Sec. Arthur Tugade na matatapos ang full dry run sa loob ng pitong araw na susundan ng inagurasyon para pormal nang buksan ang airport.
“The dry run will be finished in seven days. After seven days, it will be operational as an ideal operating identity. Of course, kailangan natin i-inaugurate ‘yan, pero gusto ko maging operational talaga as a normal airport in seven days. Magkakaroon ‘ho ng inauguration na kung saan magbibigay galang at magbibigay pugay tayo sa Office of the President at Office of the Executive Secretary at sasabihin sa kanila, ‘Sir, handa na ‘ho ‘yung Sangley Airport, i-inaugurate niyo na’,” ani Tugade.
Nagpasalamat naman si Cavite governor Jonvic Remulla sa DOTr para sa pagbuo sa paliparan na malaki anya ang maitutulong sa pag-unlad ng buong Cavite.
Inanunsyo naman ni Tugade na accessible ang Sangley Airport dahil mayroong full ferry service at Point-to-Point bus service na binuo para rito.
Pinaplano na rin umano ang konstruksyon ng mga kalsada patungo sa paliparan.
Nagsimula ang konstruksyon ng Sangley Airport taong 2018 ngunit ang 24/7 construction works ay ipinag-utos ni Tugade noong Hunyo para tumalima sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Itinulak ng presidente ang paggamit ng Sangley Airport para sa general aviation at turboprop cargo operations para mapaluwag ang air traffic sa NAIA.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.