Robredo sa ‘drug czar post:’ Kung seryoso, bakit ite-text?
Ikinagalit ni Vice President Leni Robredo ang natanggap niyang text message kaugnay ng imbitasyon na siya ang maging drug czar ng administrasyon.
Ayon kay Robredo, dapat namang igalang ng mga opisyal ng gobyerno ang kanyang tanggapan.
Paglilinaw ng pangalawang pangulo, wala siyang natanggap na text message Lunes ng gabi, taliwas sa sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo.
Una nang sinabi ni Panelo na nagpadala siya ng mensahe sa bise presidente sa salitang Bicolano.
Ito ay ukol sa alok ng pangulo na si Robredo na ang mamuno sa war on drugs dahil binabatikos naman umano nito ang kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga.
Pero duda si Robredo kung seryoso si Pangulong Rodrigo Duterte na pamunuan niya ang drug war sa loob ng anim na buwan dahil idinaan anya sa text message ang imbitasyon.
“Dios ko naman. Unang una, wala akong natanggap. Saka kung seryoso, bakit ite-text? ‘Di ba? Kahit walang paggalang sa akin, igalang na lang iyong posisyon. Kung ite-text ka ng isang bagay na ganiyan, hindi iyon seryoso. Kasi marami namang paraan para ipaabot sa akin kung talagang… talagang seryoso. Pero iyong sa akin lang, ano ba naman iyan,” pahayag ni Robredo sa mga mamamahayag sa Iloilo City.
Tumanggi na si Robredo na sabihin kung tatanggapin o hindi ang alok ng pangulo dahil natuto na anya siya sa nakalipas na mga pangyayari kung saan inimbitahan siya pero sa huli ay inisnab naman.
“Again, I don’t want to comment until it is not there, because there have been several invitations in the past that were rescinded. I have learned, there are several times in the past that they have said something that they did not mean,” dagdag ng pangalawang pangulo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.