PNoy, ‘anti-poor’ dahil sa ginawang pag-veto sa SSS pension hike bill
Tinawag na ‘anti-poor’, ‘anti-pensioner’ at ‘anti-worker’ ni Bayan Muna Partylist Rep. Neri Colmenares si Pangulong Benigno Aquino III dahil sa ginawa nitong pag-veto sa panukalang SSS pension hike.
Ayon kay Colmenares na siyang author ng SSS pension bill sa kamara, tila walang puso si PNoy sa kaniyang ginawa.
Giit ni Colmenares, “justifiable, reasonable at feasible” ang panukalang pagdadagdag ng dalawang libong piso sa pensyon ng mga retiradong SSS members.
Paliwanag ng mambabatas, dapat ding gawing priority ng pamahalaan ang buhay ng mga miyembro ng SSS sa halip na puro ang pondo nito ang iniisip.
Sa halip na ikatwiran na magtataas din ang kontribusyon ng mga miyembro kapag nagtaas ng pension, mas dapat ayon kay Colmenares na pagbutihin ng SSS ang kanilang collection rate.
Dagdag pa ni Colmenares, walang kahalintulad ng SSS saanmang panig ng bansa na na-bankrupt dahil araw-araw ay nagkakaroon ito ng mga bagong miyembro.
“SSS, for a long period of time, has failed in its mandate to provide social security. SSS is supposed to propose pension increases every four years. SSS failed to do that,” ayon kay Colmenares.
Kasabay nito ay hinimok ni Colmenares ang mga kapwa niya mambabatas na i-override ang Aquino veto upang maging ganap na batas ang SSS pension bill.
Samantala, tinawag namang walang puso at manhid ni Gabriela Party List Rep. Luz Ilagan, si Pangulong Aquino dahil sa pag-veto niya sa nasabing panukalang batas.
Tanong pa ni Ilagan, bakit vineto ni PNoy ang SSS pension increase gayung ang mga senior citizen, na silang mga pensioner, ang labis na nangangailangan ng pension increase, at nauna na rin daw inihayag ng SSS na ‘financially robust’ sila at maganda ang financial standing.
Sa katunayan, halos lumalangoy aniya sa naglalakihang bonuses ang mga executive ng SSS.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.