PAGASA: Binabantayang LPA at bagyo hindi makaaapekto sa bansa
Walang inaaasahang malalakas na pag-ulan sa buong bansa ngayong araw.
Ayon sa 4am weather upate ng PAGASA, northeasterly surface windflow lang ang weather system na nakakaapekto sa bansa partikular sa Luzon.
Sa buong Luzon kabilang na ang Metro Manila, buong Visayas at Mindanao, asahan ang maaliwalas na panahon na may posibilidad lamang ng mga pag-ulan dulot ng localized thunderstorms.
Walang nakataas na gale warning saanmang baybaying dagat ng bansa kaya’t malayang makapaglalayag ang mga mangingisda.
Samantala, patuloy na binabantayan ng PAGASA ang Typhoon ‘Bualoi’ na nasa layong 2,575 kilometro Silangan ng Hilagang Luzon.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 155 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 190 kilometro bawat oras o nasa typhoon category.
Hindi pa rin inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyo kaya’t wala itong magiging direktang epekto sa bansa.
Samantala, isa pang low pressure area (LPA) ang binabantayan sa layong 1,360 kilometro Silangan ng Hilagang Luzon.
Hindi inaasahang magiging ganap na bagyo ang sama ng panahon sa mga susunod na araw at posible itong malusaw.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.