Condom wrapper na may fingerprint ni Pemberton, pinasusuri sa Crime Lab
Hiniling ng mga abogado ni US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton sa Olongapo City Regional Trial Court (RTC) Branch 74 na ipasuri sa Philippine National Police (PNP) Crime Laboratory sa Camp Crame ang “condom wrapper” na natagpuan sa silid kung saan pinatay si Jeffrey “Jennifer” Laude.
Sa apat na pahinang urgent motion ng depensa sinabi ng mga ito na posibleng nagkaroon na ng kontaminasyon ang “condom wrapper” dahil sa kabiguan ng prosekusyon na patunayan na hindi nagkaroon ng “improper handling” at hindi rin nasira ang “chain of custody” ng ebidensya.
Nakasaad din sa mosyon na kailangan na masuri ng PNP ang nasabing ebidensya upang masiguro na fingerprint nga ni Pemberton ang nakita dito.
Maliban dito, bahagi rin anila ng karapatan ng akusado sa ilalim ng saligang batas na masuri ang mga ebidensya laban sa kanya.
Nais din ng depensa na lagyan ng “seal” o isara ang pinaglalagyan ng nasabing “condom wrapper” upang maiwasan ang kontaminasyon at ibigay sa korte ang kustodiya nito.
Samantala, tinapos na ng prosekyusyon ang pagpiprisinta ng ebidensya laban kay Pemberton.
Umabot din ng apat na buwan ang pag-prisinta ng ebidensya kung saan 28 testigo ang iniharap ng prosekyusyon kabilang na ang kaibigan ni Laude, medico legal mula sa PNP at mga miyembro ng Naval Criminal Investigative Service (NCIS) ng Estados Unidos.
Sa July 10 naman magsusumite na ng formal offer of evidence ang prosekyusyon.
Huling testigo na iniharap ng prosekyusyon si Agent Richard Bush ng NCIS kung saan pinatunayan nito sa kanyang testimonya na kumuha sya ng panoramic photo sa kwarto, lobby at CR ng Cellzone Lodge kung saan natagpuang patay si Laude.
Sa ikatlo ng Agosto sisimulan naman ang pagprisinta ng ebidensya ng kampo ng depensa./ Erwin Aguilon
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.