Panukalang batas para malabanan ang childhood pregnancies inihain sa Senado
Naghain ng dalawang panukala si Senator Risa Hontiveros para labanan ang maagang pagbubuntis at ang pagpapakasal sa mga bata.
Sinabi ni Hontiveros na base sa datos ng gobyerno, noong 2017, 530 na kabataan ang nanganganak kada araw at aniya sa napaulat na 196,409 teenage pregnancies sa nasabing taon, 2,000 sa mga ito ay may edad 10 hanggang 14.
Aniya lubhang nakaalarma na ang mga itinuturing pang ‘baby’ ng kanilang mga magulang ay magkakaroon na ng kanilang sariling baby.
Sa inihain niyang Senate Bill 161 o Teenage Pregnancy Prevention Bill, layon ni Hontiveros na magkaroon ng komprehensibo at angkop sa edad na sex education sa mga kabataang Filipino.
Gayundin gusto niya niya magkaroon ng social protection programs para sa mga batang ina, tulad ng maternal health services at livelihood.
Samantala, sa kanyang Girls not Brides Act of 2019, gusto naman ni Hontiveros na bigyan proteksyon ang mga nasa murang edad sa pagpapakasal.
Aniya ang sinoman na kukunsinti o makikibahagi sa kasal ng isang bata ay maari nang kasuhan ng paglabag sa Child Protection Act at maaring makulong at pagmultahin ang mga ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.