Private vehicles, bawal sa ‘yellow lanes’ sa southbound ng EDSA Shaw-Guadalupe
Simula sa Lunes, January 18, ipagbabawal muli ang pagdaan ng mga pribadong sasakyan sa ilang mga tinaguriang ‘yellow lanes’ sa kahabaan ng EDSA.
Ang ‘yellow lanes’ ay bahagi ng EDSA na nakatakda lamang sa mga pampublikong bus.
Ayon kay Cabinet Secretary Joe Rene Almendras na siya ring pinuno ng EDSA Technical Working Group na simula Lunes, manghuhuli na ang HPG at MMDA ng mga pribadong sasakyan na dumadaan sa ‘yellow lanes’ sa southbound portion ng EDSA sa pagitan ng Shaw Blvd., at Guadalupe.
Ang nasabing lugar aniya ang natukoy nila na may pinakamatinding pagsisikip ng trapiko sa tuwing rush hour.
Sakaling mahuli ang isang pribadong sasakyan, papatawan ito ng violation at pagmumultahin ng P500.
Sa oras na maging epektibo, plano ng TWG na ipatupad ang muling pagbabawal ng mga pribadong sasakyan sa paggamit ng ‘yellow lanes’ sa kabuuan ng EDSA.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.