Maagang pagbaba sa puwesto ni PNP Chief Albayalde, tama lamang – Biazon
Kinatigan ni House Committee on National Defense Vice Chairman at Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon ang maagang pag-alis sa puwesto ng kontrobersyal na si Philippine National Police (PNP) chief General Oscar Albayalde.
Ayon kay Biazon, dahil sa ginawa ni Albayalde, maayos nitong magagawang depensahan ang kaniyang sarili sa pagkakadawit sa isyu ng ninja cops.
Hindi na mababahala si Albayalde na maipagtanggol ang sarili dahil wala na ang kaniyang responsibilidad sa PNP.
Paliwanag ni Biazon, para sa mga “men in uniform,” palaging kapakanan ng institusyon ang uunahin kumpara sa sarili lalong-lalo na ang mga nasa matataas na posisyon.
Sinabi ng kongresista na bahagi ito ng sinumpaang tungkulin na handang magsakripisyo para mapanatili ang integridad ng kanilang institusyon at mailayo ito sa mga kontrobersya.
Si Albayalde ay nahaharap sa kontrobersya matapos ituro ng ilang mga retired PNP generals na protektor ng mga agaw-bato cops noong ito ay provincial director pa ng Pampanga.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.