Typhoon Hagibis tatama sa Japan ngayong araw
Naghanda na ang Japan sa inaasahang pagtama ng Typhoon Hagibis sa kanilang bansa ngayong araw.
Ito ang itinuturing na pinakamalakas na bagyong tatama sa bansa sa loob ng anim na dekada at magdadala ng record-breaking na dami ng ulan at lakas ng hangin.
Ayon sa Japan Meteorological Agency, taglay na ng Typhoon Hagibis ang lakas ng hanging aabot sa 180 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 252 kilometro bawat oras.
Tatama ito sa Honshu island ngayong araw.
Mapapanatili rin nito ang lakas at ang laki ng kaulapan habang papalapit sa Tokai at Kanto regions mamayang hapon at gabi.
Isinara na ang ilang mga tindahan, pabrika at sinuspinde na ang operasyon ng mga tren.
Naglabas na rin ng evacuation advisory ang gobyerno lalo na sa mga lugar na nasa panganib.
Nagkakaubusan na ng suplay sa mga supermarket dahil sa panic buying ng mga mamamayan.
Ayon sa mga awtoridad, posibleng magdala ang Hagibis ng kahalintulad na ulan na ibinagsak ng Typhoon Kanogawa noong 1958 na ikinasawi ng 1,200 katao.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.