Trough ng Typhoon Hagibis magpapaulan sa ilang bahagi ng bansa
Patuloy pa rin ang pag-iral ng northeasterly surface windflow na magdadala ng may kalamigang panahon sa madaling araw at umaga sa Northern Luzon.
Samantala, ang trough o extension ng bagyong nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) na may international name na ‘Hagibis’ ay magdadala ng mahina hanggang katamtamang mga pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa Bicol Region, Central at Eastern Visayas, at eastern sections ng Mindanao.
Ayon sa 4am weather update ng PAGASA, hindi naman direktang makakaapekto ang bagyo sa bansa at lalo pang bumaba ang tyansang pumasok pa ito ng PAR.
Huling namataan ang bagyo sa layong 1,845 kilometro Silangan ng Basco, Batanes at wala itong direktang epekto sa bansa.
Taglay na ng Bagyong Hagibis ang lakas ng hanging aabot sa 200 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 245 kilometro bawat oras.
Sa ngayon ayon sa PAGASA, kumikilos na ang bagyo pa-Hilaga o patungong Japan.
Sa Metro Manila at nalalabing bahagi naman ng bansa inaasahan ang maalinsangang panahon na may panandaliang mga pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa hapon o gabi dahil lang sa localized thunderstorms.
Nakataas ngayon ang gale warning at ipinagbabawal ang paglalayag sa mga baybaying dagat ng Batanes, Calayan, Babuyan, northern coast ng Ilocos Norte, Isabela, Aurora, Quezon kasama ang Polilio Island, Camarines Provinces at Catanduanes.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.