Albayalde isinangkot ni dating PNP Gen. Lacadin sa ninja cops
“Kaunti lang naman ang napunta sa akin dyan.”
Yan umano ang sinabi ni dating Pampanga Provincial Police Office Director at ngayo’y Philippine National Police Chief Oscar Albayalde kay retired Gen. Rudy Lacadin.
Sa kanyang pagharap sa Senado, sinabi ni Lacadin na dati siyang deputy chief for operations ng Criminal Investigations and Detection Group (CIDG) sa Region 3 noong 2013.
Isang tawag umano ang kanyang natanggap mula kay Albayalde at tinanong nito kung totoo bang iniimbestigahan ang 13 tauhan ng Pampanga Police Office na sangkot sa drug raid sa Lakeshore Subdivision sa Mexico, Pampanga.
Sa nasabing phone conversation, sinabi umano ni Albayalde na kaunti lamang ang napunta sa kanya sa nasabing raid.
Gayunman, nilinaw ni Lacadin na hindi niya alam kung seryoso o nagbibiro lamang noong panahong iyun si Albayalde.
Kaagad namang pumalag si Albayalde sa pahayag ni Lacadin sabay ang pagsasabing pinagtutulungan siyang sirain ng mga dating opisyal ng CIDG na dati ring pinamumunuan ni dating Gen. Benjamin Magalong.
Binigyang-diin pa ni Albayalde na imposibleng gawin niya ang pagtawag kay Lacadin na kanyang senior official sa PNP noong mga panahong iyun.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.