Higit 3,000 kalsada sa Maynila wala ng obstruction
Umabot sa 3,373 na mga kalsada sa Maynila ang malinis na mula sa iligal na mga obstruction mula nang magsimula ang pamumuno ni Mayor Isko Moreno.
Anunsyo ito ni Moreno araw ng Martes sa harap ng mga miyembro ng City Development Council kasabay ng kanyang ika-100 araw sa tanggapan.
Nasa 2,233 ang natanggalan ng obstruction ng Department of Engineering and Public Works ng (DEPW) ng lungsod.
Habang 817 na mga kalsada ang nalinis ng Department of Public Service (DPS) at 176 na kalsada naman ang tinanggalan ng obstruction ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB).
Kabuuang 147 na barangay halls na nakatayo sa mga pampublikong kalsada ang giniba ng DEPW.
Inihayag din ng alkalde na hindi lamang pagtanggal ng obstruction ang nagawa kundi nalinis din ang mga maruming kalsada sa syudad.
“Bukod pa rito, ang Manila Disaster Risk Reduction Management Office ay linggu-linggo nagpapaligo sa mga dugyot na kalsada sa Divisoria, Quiapo, Sta. Cruz, at Blumentritt, mga footbridge, underpass, plazas, and parks, at iba pa,” ani Moreno.
Katuwang naman ng lokal na pamahalaan ang mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan sa naturang hakbang.
“Ganyan din ang ginagawa ng ating mga ospital. Nagsimula na rin ang mga Sangguniang Kabataan at maraming barangay council sa kanilang lungguhang paglilinis sa kani-kanilang mga nasasakupan at kapaligiran,” dagdag ni Mayor Isko.
Nangako si Moreno na magpapatuloy ang clearing operations sa Maynila kahit tapos na ang deadline ng Department of Interior and Local Government (DILG).
Matatandaan na inutos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga lokal na opisyal na tanggalin ang mga obstruction sa mga kalsada para muling magamit ng mga tao.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.