Hirit na umpisahan na ng ICC ang imbestigasyon sa drug war ni Pang. Duterte binalewala ng Palasyo
Ipinagkibit-balikat lamang ng Palasyo ng Malakanyang ang inihaing Supplemental Pleading ng human rights group na Rise Up for Life para pabuksan sa International Criminal Court ang imbestigasyon sa anti-drug war campaign ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, hindi na nagulat ang palasyo sa paghihikayat ng Rise Up for Life kay ICC Prosecutor Fatou Bensouda na simulan ang imbestigasyon kay Duterte.
Iginiit pa ni Panelo na sa umpisa pa lamang, wala nang saysay ang communication ng naturang grupo dahil wala namang hurisdiksyon ang ICC kay Duterte.
Pawang pag-iingay lamang aniya ang ginagawa ng grupo na walang ibang hinangad kundi ang maglatag ng political theatrics at gimik kabilang na ang paggamit sa mga naulilang ina o asawa sa mga napatay sa anti-drug war campaign.
Pamamahiya lamang aniya ang ginawa ng grupo dahil itinaon pa ang paghahain ng Supplemental Pleading habang nasa official visit ang Pangulo sa Russia.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.