Random check sa mga dayuhang manggagawa sa Pilipinas, iginiit
Iminungkahi ni ACT-CIS partylist Rep. Eric Go Yap na bigyan ng kapangyarihan ang mga pulis para sitahin ang dayuhang lumalabag sa immigration o labor laws sa bansa.
Kabilang dito ang mga overstaying o walang employment permits.
Naniniwala si Yap na makatutulong ang hakbang na ito para mapigilan ang mga dayuhan na gumawa ng kalokohan dito.
Sabi ng kongresista, wala namang dapat ikabahala sa random checks kung palagiang bitbit ang kanilang passports at kopya ng permits.
Kagaya lang aniya ito ng ginagawa ng mga Filipino kapag nasa abroad na laging dala ang pasaporte dahil may awtoridad ang mga pulis sa ibang bansa na tingnan ang mga dokumento.
Ayon sa mambabatas, paraan din ito para mapalakas ang kampanya kontra sa illegal POGO workers.
Pinatitiyak naman ni Yap na mayroong safety nets sa implementasyon nito para hindi magamit sa posibleng extortion ng mga abusadong pulis.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.