Paghahain ng panibagong diplomatic protest vs China ipinag-utos ni Sec. Locsin
Ipinag-utos sa pamamagitan ng isang tweet ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr., kahapon, araw ng Miyerkules ang paghahain ng panibagong diplomatic protest laban sa China.
Ito ay matapos ang ulat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ukol sa presensya ng Chinese vessels malapit sa Ayungin Shoal.
Sa harap ng mga senador sinabi ni AFP Chief of Staff Noel Clement na ang presensya pa lang ng mga barko lalo’t walang ‘request for passage’ ay kailangang maisumbong.
Gayunman, sinabi ni Clement na kung ituturing itong paglabag o hindi ay nasa kamay na ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Pero sa kanyang tweet, sinabi ni Locsin na kailangang maihain na agad ang diplomatic protest at hindi na dapat hintayin pang makauwi siya ng bansa.
“I’m in Moscow. Do I have to fly home to file the goddamned diplomatic protest myself? That’s the military speaking. Not some friggin civilian media outlet, File now!” ani Locsin.
Ang kalihim ay bahagi ng delegasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa limang araw na official visit sa Russia.
Makailang beses nang naghain ng protesta ang Pilipinas laban sa China dahil sa presensya ng mga barkong pandigma at surveys ships nito sa exclusive economic zone ng bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.