Pinsala ng sunog sa Star City umabot sa P1B

By Rhommel Balasbas October 03, 2019 - 02:24 AM

Umabot sa higit-kumulang P1 bilyon ang naging pinsala ng sunog na sumiklab sa Star City.

Ayon kay Ed de Leon, tagapagsalita ng Star Parks Corporation na nagmamay-ari ng Star City, lahat ng indoor rides ng sikat na amusement park ay naabo sa sunog.

Umabot sa 80 hanggang 90 porsyento ng Star City ang natupok ng apoy ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).

Nagsimula ang sunog alas-12:22 ng madaling-araw at umabot ng 14 oras bago ito naapula o eksakto alas-2:02 na ng hapon.

Tatlong fire officials ang nasaktan sa sunog.

Samantala, sinabi ni Atty. Rudolph Steve E. Jularbal, Vice President ng Legal and Regulatory Compliance Group ng Star City na walang rason para paniwalaang sinadya ang sunog.

Hindi anya nila mawari kung bakit umusbong ang anggulo ng ‘arson’ dahil wala silang kilalang kahit sino na may motibo para gawin ito.

Ani Jularbal ang isang tweet na nag-viral na may nakalagay na “Star City is dying” ay hindi tungkol sa amusement park kundi sa isang American television series.

Samantala, sinabi naman ni de Leon na susubukang pa ring magbukas ng Star City ngayong taon ngunit dedepende ito sa assessment ng kanilang engineers.

Nauna nang sinabi ng pamunuan ng park na hindi sila makapagbubukas para sa Christmas season na kadalasang panahong dinadayo sila ng publiko.

 

TAGS: amusement park, P1 bilyon, pinsala, Star City, Star City is dying, Star Parks Corporation, sunog, amusement park, P1 bilyon, pinsala, Star City, Star City is dying, Star Parks Corporation, sunog

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.