49 na Pinoy, 5 Chinese arestado ng NCRPO dahil sa online lending scam
Sinalakay ng National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Special Operations Unit (RSOU) at PNP Anti-Cyber Crime Group ilang unit sa Raffles Tower, Garnet St. Emerald Ave. Ortigas Center, Pasig City.
Bitbit ang warrant to search, seize and examine computer data na inisyu ng Pasig Regional Trial Court, sinalakay ang mga unit na inookupa ng Fuwei Lending Corporation.
Ayon kay NCRPO chief, Maj. Gen. Guillermo Eleazar, ang Fuwei Lending Corporation ang may-ari ng app na Mango Loan ay ipinagharap ng mga reklamo ng kanilang customers.
Dinakip sa nasabing operasyon ang limang Chinese Nationals at 49 na mga Pinoy na nagtatrabaho sa kumpanya.
Nakumpiska din ang sumusunod na mga gamit:
a. 87 Computer System
b. 4 na laptop computers
c. 4 na Switch Hub
d. 5 router/modem
e. 47 cellular phones
f. Cash na nagkakahalaga ng P100,000
Marami ding dokumento na nakumpiska kabilang ang mga permit mula sa lokal na pamahalaan, SEC, at BIR.
Ayon sa NCRPO, base sa pahayag ng mga nagreklamo dumaranas sila ng matinding pamamahiya at trauma kapag hindi nakabayad sa tamang panahon sa naturang kumpanya.
Katunayan, 5 umano sa kanila ay nag-commit na ng suicide dahil sa matinding depresyon.
Sa imbestigasyon ng NCRPO, sa sandaling maaprubahan ang loan ng kliyente sa pamamagitan ng app na Mango Loan agad ibabawas ang spot interest at ang mahihiram na pera ay kailangang hulagan sa maiksing panahon.
Makukuha ng Mango Loan application ang mga contact at iba pang impormasyon mula sa mga nagdownload ng app.
At ang mga contact numbers ng borrowers ang gagamitin ng kumpanya para ipahiya ito kapag hindi nakabayad ng tama.
Sinanay umano ang mga empleyado para mamahiya at mang-harass ng mga hindi nakakabayad.
Ang mga suspek ay mahaharap sa reklamong paglabag sa Section 33 of Republic Act 10173 (Data Privacy Act of 2012) in relation to Section 6 ng Republic Act 10175 (Cyber Crime Prevention Act of 2012).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.