May bago ng mga pinuno ang Philippine Military Academy (PMA) kapalit ng mga opisyal na nagbitiw sa pwesto kasunod ng pagkamatay sa hazing ng kadeteng si Darwin Dormitorio.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff Lt. Gen. Noel Clement, si Navy Vice Commander Rear Admiral Allan Ferdinand Cusi ang magiging bagong PMA superintendent officer-in-charge habang si Brig. Gen. Romeo Brawner Jr. ng Philippine Army 103rd Brigade ang acting commandant of cadet corps.
Papalitan ni Cusi si Lt. Gen. Ronnie Evangelista na nag-resign noon Martes dahil sa command responsibility matapos mamatay si Dormitorio.
Si Brawner naman ang kapalit ni Brig. Gen. Bartolome Vicente Bacarro na nagbitiw din sa pwesto.
Ayon kay AFP chief of staff Clement, sina Evangelista at Bacarro ay pansamantalang itatalaga sa kanyang tanggapan.
Si Brawner ay nagsilbing tagapagsalita ng Task Force Marawi sa gitna ng kampanya laban sa mga terorista na may koneksyon sa ISIS.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.