Palasyo: Memo ni Pang. Duterte sa suspensyon ng loan and grants sa 18 bansa, political statement
Pag-aaralang muli ni Pangulong Rodrigo Duterte ang inilabas na memorandum na nagsususpendi sa loan and grants sa 18 bansa na sumporta sa resolusyon ng Iceland na paimbestigahan sa United Nations Human Rights Council ang anti-drug war campaign ng Pilipinas.
Pahayag ito ng palasyo matapos humirit si Defense Secretary Delfin Lorenzana na kung maaari ay gawing exempted ang kanyang departamento sa naturang memo dahil sa posibleng soft loan ng Pilipinas sa Australia para sa anim na offshore patrol vessel para sa Philippine Navy.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, isang political statement kasi ang ginawa ng pangulo para ipamukha sa 18 bansa na hindi nila maaaring pakialaman ang mga panloob na usapin ng Pilipinas.
Sinabi pa ni Panelo na sa ngayon, wala namang reaksyon ang naturang mga bansa sa memo ng Duterte kung kaya sa tingin ng palasyo ay hindi sila na-offend sa ginawang hakbang ng pangulo.
Kabilang sa mga bansang sumuporta sa resolusyon ng Iceland ang Argentina, Austria, Australia, Bahamas, Bulgaria, Croatia, Czech Republic, Denmark, Fiji, Italy, Peru, Mexico, Slovakia, Spain, Ukraine, United Kingdom kabilang ang Northern Ireland at Uruguay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.