Kamara bukas sa paghimay ng Senado sa alokasyon ng mga kongresista sa 2020 budget
Naninindigan ang liderato ng Kamara na walang pork barrel sa ipinasa nitong P4.1 trillion na panukalang pambansang pondo sa susunod na taon.
Iginiit ni House Speaker Alan Peter Cayetano, na ang tig-P100 million na alokasyon para sa mga kongresista ay para lang sa mga proyekto sa kanilang distrito.
Ipinaliwanag nito na ang pagtatayo ng mga imprastraktura na tinukoy ng mga kongresista ay pinlano at tinalakay kasama ang mga district engineer, provincial director, agriculture officer at iba pang opisyal sa kanilang lugar.
Ayon kay Cayetano, naging prangka lang si Albay Rep. Joey Salceda nang sabihin nitong tatanggap ng tig-P100 million na alokasyon ang mga miyembro ng Kamara sa ilalim ng 2020 national budget, dahil naniniguro ang mga ito na hindi maze-zero ang kanilang distrito.
Pero pagtitiyak nito, walang nakatagong pork sa 2020 national budget at bukas sila sa paghimay ng Senado sa alokasyon ng mga kongresista.
Ayon kay Cayetano, meron pang halos dalawang buwan bago ang bicameral conference committee meeting kaya makikita naman anya kung may nakatago o wala sa pambansang pondo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.