Mabilis na pag-apruba sa 2020 P4.1T national budget binatikos
Binatikos ng mga kritiko ang agarang pagpasa ng mga kaalyado ng administrasyon sa Kamara sa P4.1 trillion na panukalang pambansang pondo sa 2020.
Pinuna ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate ang mabilis na pag-apruba sa national budget sa susunod na taon sa ikalawa at ikatlo o pinal na pagbasa Biyernes ng gabi.
Ayon sa kongresista, dahil sa mabilis na approval ay nasakripisyo ang pagbusisi ng Kamara sa mga amyenda at umanoy insertions sa budget.
“Why are we rushing? What’s the reason for this haste? Why are we sacrificing the scrutiny of the amendments and insertions [in the budget]?” pahayag ni Zarate.
Hindi umano maintindihan ni Zarate kung bakit hindi nasunod ang orihinal na schedule kung saan may sapat na panahon ang mga mambabatas na pag-aralan ang pinal na kopya ng panukalang national budget.
Ayon kay Zarate, ang pagpasa sa budget ay patunay ng patronage sa gobyerno at ang Malakanyang anya ang makikinabang sa umanoy pananatili ng pork funds.
Sinabi naman ni ACT Teachers Rep. France Castro na ang pag-apruba sa budget ay pinakamahalagang papel ng Kongreso na hindi dapat madaliin.
“We want this to undergo the right process… Otherwise, the people will speculate there’s some hocus pocus going on,” ani Castro.
Una rito sa debate sa plenaryo sa General Appropriations Bill (GAB), inihayag ni Senior Deputy Minority Leader at Iloilo Rep. Janette Garin ang pagtutol sa anyay political policies at tapyas sa pondo ng ilang ahensya na nagbibigay ng social services.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.