Kakapusan ng suplay ng kuryente maaring mag-resulta ng blackout sa Mindanao
Posibleng mag-resulta sa tuluyang pagbagsak ng Mindanao grid ang nagpapatuloy na kakapasusan ng suplay ng kuryente sa rehiyon.
Ito ay matapos na muling itaas ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), ang red alert sa Mindanao grid simula alas 10:00 ng umaga hanggang alas 9:00 ng gabi ngayong araw, January 6.
Ayon sa NGCP, nasa zero megawatt ang contingency reserves sa Mindanao dahil hindi pa rin maisaayos ang Agus 1 at 2 hyrdopower plants.
Sinabi ng NGCP na bigo silang maisaayos ang Tower 25 sa Agus 2-Kibawe 138kV line sa Ramain Lanao del Sur dahil ayaw makipagtulungan sa kanila ng may-ari ng lupang kinatatayuan ng tower.
Noon pang Christmas Eve nagkaproblema ang linya matapos pasabugin ng hindi pa matukoy na grupo.
Ayon sa NGCP, ang mga may-ari ng lupain na sina Johnny Sambitori, Intan Sambitori at Naguib Sambitori ay pawang tumatanggi na papasukin ang mga tauhan ng NGCP para magsagawa ng repair sa nasirang pasilidad. “Negotiations with the Sambitoris were unsuccessful because the owners alleged that the government failed to pay their claims long ago,” paliwanag ng NGCP.
Dahil dito, sinabi ng NGCP na nahaharap ang buong Mindanao sa posibleng ‘grid collapse’ kung magpapatuloy ang sitwasyon dahil isang linya na lamang ang nagagamit sa pagsusuplay ng kuryente.
Tanging ang Maramag-Bunawan 138-kV line umano ang nagagamit na linya sa ngayon at kung ito ay magkaroon ng problema, wala nang kuryenteng dadaloy sa mga lugar na sinusuplayan sa Southern Mindanao.
Sa southern part ng Mindanao may pinakamataas na demand ng kuryente.
Sinabi ng NGCP na nanganganib na magkaroon ng malawakang black out sa Davao City at General Santos City na kapwa na sa southern part ng Mindanao.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.