Duterte: Mga pulis na sangkot sa drug recycling dapat patayin
Nagpahayag ng pagkadismaya si Pangulong Rodrigo Duterte sa patuloy na pagkakasangkot ng mga pulis sa ‘recycling’ ng mga iligal na droga na nakukumpiska sa mga operasyon.
Sa talumpati sa harap ng mga bagong talagang opisyal sa Malacañang, sinabi ng pangulo na dapat patayin ang lahat ng tiwaling mga pulis.
“Itong corruption sa droga, ‘yang recycle na sinasabi, p*t*ng*n* patayin mo talaga lahat ng pulis na crooked,” ani Duterte.
Ang pahayag ng pangulo ay matapos isiwalat ni Philippine Drug Enforcement Authority (PDEA) Director General Aaron Aquino noong Lunes sa Senate hearing ang pagbebenta ng ilang mga pulis sa mga drogang nakukumpiska.
Sa ambush interview naman ng mga mamamahayag, nilinaw ng pangulo na ang mga pulis na sangkot sa recycling ng iligal na droga ay bibigyan ng karapatan sa due process.
“With the present setup of government, hindi mo makuha ‘to. You know, you just cannot fire him, for due process, right to be heard, investigation. Talo talaga ang gobyerno sa totoo lang,” ani Duterte.
Aminado ang pangulo na talo ang gobyerno sa kasalukuyang mga sisitema ngunit nangako ito na sa pagtatapos ng kanyang termino ay mababawasan ang mga problema.
“With so many restrictions, under the Bill of Rights, since this is a democracy, hanggang diyan lang talaga tayo. You cannot be a superman here. But little by little, maybe towards the end, I promise you that by the end of my term at least maminus-minus ang sakit ng ulo,” dagdag ng presidente.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.