Posibleng pananamantala ng oil companies dahil sa pagpapasabog sa planta ng langis sa Saudi Arabia ikinabahala
Nangangamba si House Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Zarate na sasamantalahin ng mga oil companies sa bansa ang pagtataas ng presyo ng mga produktong petrolyo at langis matapos ang pag-atake ng Houthis group ng Yemen sa dalawang malalaking planta ng langis sa Saudi Arabia.
Ayon kay Zarate, ngayon pa lang ay tumaas na ang presyo ng gasolina sa P1.40 hanggang P1.60 sa kada litro, P0.70 hanggang P0.80 sa kada litro ng diesel at P0.90 hanggang P1.00 sa kada litro naman ng kerosene.
Maliban dito, ikinakabahala din ng mambabatas ang unbundled data ng oil prices sa bansa kung saan bulag ang mga Pilipino sa presyuhan ng langis at mga produktong petrolyo.
Giit ng kongresista, taong 2017 pa nila hinihingi ang oil pricing data ng mga oil companies para makita kung may over charging ba na ipinapataw pero hindi pa rin ito naisusumite ng 3 big oil companies.
Kaugnay nito, pinakikilos na ni Zarate ang Kamara na dinggin na ang kanilang House Resolution 9 na nagpapaimbestiga sa pricing schemes ng mga oil companies lalo pa ang kasunod na pagpapasabog sa pinakasentro ng Saudi oil industry.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.