2 LPA binabantayan ng PAGASA sa loob ng PAR
Dalawang low pressure area (LPA) ang binabantayan ng PAGASA sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa kasalukuyan.
Ayon sa 4am weather update ng PAGASA, ang unang LPA ay nasa layong 130 kilometro Kanluran Timog-Kanluran ng Iba, Zambales.
Tumutulong ang nasabing sama ng panahon sa paghatak sa southwest monsoon o Habagat na nagdadala ng mga pag-ulan sa malaking bahagi ng Luzon at Visayas.
Ang isa namang LPA ay nasa layong 715 kilometro Silangan ng Basco, Batanes.
Samantala, ang Tropical Storm na binabantayan sa labas ng PAR ay humina at isa na lang ding LPA.
Ngayong araw, dahil sa trough ng LPA na nasa Silangan ng Basco, Batanes, makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na mga pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region at Cagayan Valley.
Dahil naman sa Habagat, makararanas ng madalas na mga pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa Metro Manila, Zambales, Bataan, Cavite, Batangas, Palawan, Mindoro provinces at Western Visayas.
Sa nalalabing bahagi naman ng Gitnang Luzon, MIMAROPA, CALABARZON at sa Bicol Region, makararanas din ng mga kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat.
Sa Mindanao, magiging maalinsangan ang panahon na may posibilidad lamang ng mga pag-ulan dulot ng isolated thunderstorms.
Nakataas ngayon ang gale warning at ipinagbabawal ang paglalayag sa mga baybaying dagat ng Palawan, Occidental Mindoro, Batanes, Calayan, Babuyan, northern coast ng Ilocos Norte Isabela at Cagayan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.