DENR nagpalabas na ng notice of violation sa Wacuman sanitary landfill sa Bulacan
Nag-isyu na ang Department of Environment and Natural Resources(DENR) ng Notice of Violation sa Operator ng Wacuman sanitary landfill na matatagpuan sa pagitan ng San Jose Del Monte at Norzagaray, sa lalawigan ng Bulacan.
Sinabi ni Usec. Benny Antiporda na kaagad silang umaksiyon sa reklamo na inihain sa kanilang tanggapan kamakailan laban sa peligrong dulot ng Wacuman sanitary landfill sa mga residente malapit sa naturang imbakan ng basura.
Una nang naghain ng reklamo noong Sept.6, 2019 sa DENR ang environmental advocacy group na Alliance for Consumer and Protection of Environment (ACAPE) kung saan kanilang ipinanawagan ang imbestigasyon sa operasyon ng Wacuman na anila’y walang kaukulang permiso para makapag-operate.
Ayon kay Antiporda, ang notice of violation ay kanilang inisyu matapos magpadala ang DENR ng mga kinatawan para suriin ang operasyon ng landfill.
Hinamon naman ng opisyal ang mga napeperwisyo sa operasyon ng Wacuman na magsampa na lamang ng kaso sa korte kung sa tingin nila ay may mga paglabag pa ito sa halip na pairalin ang isyu politikal sa usapin.
Nakiusap din siya na huwag nang ipitin o idamay ang DENR sa isyu dahil naaksiyunan na nila ito.
Sa hiwalay na panayam, sinabi naman ni Chairman Gloria Dequito ng Brgy. Paradise III sa SJDM na walang public consultation o public hearing na naganap bago mag-operate ang sanitary wacuman landfill.
Giit ng ACAPE, lumabag ang Wacuman sa rule 14, Sec.1 ng republic Act 2002 o Philippine Ecological solid waste management act of 2000 na nagsasabing ang mga kahalintulad na pasilidad ay sumusunod sa overall land use plan ng local government unit.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.