‘GCTA law: Bulkang sumabog sa mukha ng Kongreso at Malakanyang’ sa “Wag Kang Pikon!” ni Jake Maderazo

By Jake Maderazo September 08, 2019 - 01:54 PM

Inquirer file photo

Matapos pakawalan sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance law (RA 10592) ang mahigit 2,000 convicts sa iba’t ibang karumaldumal na kaso, nagkukumahog ang ilang senador at kongresista na amyendahan ito.

Ayon sa legislative records, ang Senate bill 3064 (Preventive Suspension law) ay inihain noong 2012 nina Sens. Gringo Honasan, Manny Villar, Chiz Escudero at Miriam Santiago. Samantalang ang House bill 417 noong 2013 ay isinulong nina Ex-Congressman at ngayo’y senador Sonny Angara, Reps. Rufus Rodriguez, Marlyn Aggabao, Cresente Paez, at iba pa.

Ito’y pinirmahan ni Ex-pres. Pinoy noong May 29, 2013 at ang IRR o Implementing rules and guidelines ay ginawa nina ex-DOJ sec. ngayo’y Senador Leila De Lima, at DILG Sec. Mar Roxas na nagkabisa Marso, 2014.

Sa hindi pa malamang dahilan, hindi niliwanag sa binuo nilang IRR kung bawal ang mga “heinous convicts” kahit nakasaad sa GCTA LAW ang pagkakaiba ng “credit for preventive imprisonment” at ang “post-conviction imprisonment” . Dahil dito, walang tinukoy sa mga binuong “uniform manuals” para sa Bureau of Correction at Board of Pardons and Paroles.

Kayat panahon nina Pnoy at De Lima, nakalabas ng Bilibid ang unang 62 “heinous convicts” sa ilalim ni Bucor director Franklin Bucayo. Noong 2015, panahon ni Gen Rainier Cruz, 105 ang nakalabas. Kay Duterte nitong 2016, 212 ang nakalaya sa panahon ni Rolando Asuncion at 335 naman noong 2017 kay Director Benjamin Delos Santos. Kay Director Valfrie Tablan, 335 ang nakalabas at nang maupo si ex-PNP chief ngayo’y Sen. Bato De la rosa, umabot ito sa 384.

At nitong June 25, 2019 lamang, lumabas ang “unanimous decision” ng Korte suprema na gawing “retroactive” ang “GCTA LAW” para sa lahat ng preso, maging detenido pa lang o kaya’y “convicted” dahil mayroon din silang karapatan bilang tao.

At dahil walang pagbabawal sa “heinous convicts”, lumobo sa 816 karumal dumal na “preso” ang nakalaya nitong taon . Marami pa ang nakalinya at muntik na sina Ex Calauan Mayor Antonio Sanchez at iba pang high profile heinous convicts.

Lumitaw ngayon na naging “ilegal” ang proseso ng BUCOR sa GCTA law kayat pinapa-aresto muli ni Pres. Duterte ang halos dalawang libong “heinous convicts” sa loob ng 15 araw. Kahapon, meron nang 76 na kusang sumuko.

Dahil dito, ang mga kongresista at senador ay sumusulong na amyendahan ang GCTA LAW o RA 10592 upang tuluyang ipagbawal dito ang mga “heinous criminals”. Sinisi pa ng mga House authors sa pangunguna nina Rep. Rufus Rodriguez at Ex Rep Sonny Angara ang Senate version noon, na siyang may ideya raw ng pumalpak na “expanded GCTA LAW”.

Sa Senate investigation, lumitaw na maraming mga taga-BUCOR ang ginawang gatasan ng husto ang palpak na interpretasyon ng GCTA law sa loob ng limang taon. Sabi ng isang “whistle blower”, P50,000 hanggang P 150,000 ang hininging “ lagay” ng tatlong opisyal doon para mapaagang mapalaya ang kanyang asawa.

Sa totoo lang, napatunayan dito na bulok talaga ang ating hustisya at hindi rin maaasahan ang mga marurunong nating mambabatas na nasa likod ng palpak na GCTA law. Sa ganang akin, ito’y bulkang sumabog sa mga mukha ng mga Senador , Congressman, Korte Suprema at Malakanyang. Tama lang magalit ang bayan dahil totoo namang palpak silang lahat.

TAGS: Bureau of Corrections, GCTA, heinous crimes, Kongreso, Palasyo ng Malakanyang, Bureau of Corrections, GCTA, heinous crimes, Kongreso, Palasyo ng Malakanyang

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.