Isang convicted criminal na nakalaya sa bisa ng GCTA, sumuko sa Pasay City

By Angellic Jordan September 05, 2019 - 07:31 PM

Boluntaryong sumuko sa mga otoridad ang isang convicted criminal na maagang napalaya sa ilalim ng Republic Act 10592 o Good Conduct Time Allowance (GCTA), Huwebes ng hapon.

Iprinisinta ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Major General Guillermo Eleazar ang convict criminal na si Nicanor Naz sa Pasay City Police Station.

Ani Eleazar, nahatulan si Naz ng habang-buhay na pagkakakulong noong June 3, 1993 dahil pagbebenta ng ilegal na droga na labag sa Republic Act 6425 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 1972.

Napalaya si Naz noong July 19, 2019 dahil base sa komputasyon ng kaniyang GCTA, napababa sa 26 taon ang kaniyang sentensya mula sa 40 taong pagkakakulong.

Unang nakulong si Naz nang 19 taon sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City ngunit inilipat sa Davao Penal Colony taong 2012 at nanatili ng pitong taon.

Nang mapalaya mula sa Davao Penal Colony, sinabi ni Eleazar na pumunta pa si Naz sa kaniyang bahay sa Ilocos.

Dalawang buwang nagtanim si Naz ng palay sa nasabing probinsya.

Ngunit nang malaman ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte, kusa aniyang nagtungo sa Naz sa mga otoridad para sumuko.

Inamin naman ni Naz na nalungkot siya nang malaman ang ipinag-utos ng pangulo.

Ayon naman kay Eleazar, patunay ito na mayroon talagang good conduct na ipinapamalas si Naz.

“Para sa’kin, ito’y nagpapatunay na talagang mayrong good conduct na ipinakikita niya [Nicanor]. Kasi noong malaman niya ‘yun, talagang nagpunta dito at accordingly, in-interview natin siya kanina gusto niyang magpasakop dito sa panuntunan o directive ng ating Presidente,” pahayag ni Eleazar.

Samantala, sinabi ni Eleazar na makikipag-ugnayan sila sa Philippine National Police (PNP) at Bureau of Corrections (BuCor) para makumpirma kung kasama talaga dapat ito sa mabibigyang benepisyo ng GCTA law.

Umaasa naman ang opisyal na gayahin ng iba pang convicted criminal ang ginawang hakbang ni Naz hindi lang sa Metro Manila kundi sa buong bansa.

“So, we are hoping na itong ipinakita niya ay gayahin ng iba, hindi lamang sa Metro Manila kundi sa buong Pilipinas. At sana ‘yung talagang deserving na mabigyan ng pagkakataon na makalaya base sa GCTA na kagaya nitong si Nic.. Nicanor e eventually ma-amend na ito,” ani Eleazar.

Si Naz ang unang convicted criminal na sumuko sa Metro Manila.

TAGS: Davao Penal Colony, GCTA, Guillermo Eleazar, NCRPO, Nicanor Naz, Davao Penal Colony, GCTA, Guillermo Eleazar, NCRPO, Nicanor Naz

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.