PNP: Ilang preso na napalaya dahil sa GCTA balik sa criminal activities
Inamin ng Philippine National Police (PNP) na nakatanggap sila ng ulat na bumalik sa ilegal na aktibidad ang ilang preso na napalaya sa bisa ng Good Conduct Time Allowance (GCTA).
Sa isang panayam, sinabi ni PNP chief General Oscar Albayalde na batay sa mga natatanggap na impormasyon, ang ilang convicted criminal, lalo na ang mga sangkot sa ilegal na droga, ay bumalik sa kanilang dating gawi.
Dahil dito, pinakilos na aniya niya ang tracker teams sa lahat ng rehiyon sa bansa para tutukan ang mga napalayang convicted criminal.
Sakaling masangkot muli sa anumang uri ng krimen, maaari aniyang arestuhin muli ang mga ito at magsasagawa ng case buildup laban sa kanila.
Samantala, inamin din ng PNP chief na wala siyang listahan ng mga napalayang kriminal.
Paliwanag nito, walang protocol sa pagitan ng PNP at Bureau of Corrections (BuCor).
Sakali mang bigyan sila ng BuCor ng listahan, agad aniyang masisimulan ang pagmamanman sa mga napalayang convicted criminal.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.