P200K na halaga ng bawal na luncheon meat mula China nakumpiska sa Cebu City
Sa gitna ng banta ng African Swine Fever, nakumpiska ng mga otoridad sa Cebu City ang ipinagbawal na luncheon meat na gawa sa China na nagkakahalaga ng P200,000.
Nasabat ng Bureau of Animal Industry Veterinary Quarantine Services Office (BAI-VQSO) at African Swine Fever Task Force ng Cebu ang 2,038 na lata ng tig 397 grams na MaLing luncheon meat; 966 na lata ng tig 170 grams na MaLing luncheon meat at 246 na lata ng tig 340 grams na meat product sa Pier 1 araw ng Martes.
Nakumpiska ang mga kontrabando habang ibinababa mula sa isang barko alas 12:45 ng hapon.
Ito ay matapos na makatanggap ng impormasyon ang ASF Task Force, sa pamumuno ni Provincial Veterinarian Dr. Mary Rose Vincoy, kaugnay ng shipment ng naturang banned pork products.
Nabatid na galing sa Bohol ang shipment at nakatakdang dalhin sa EAL Development Group Inc., distributor ng mga de lata na ang bodega ay nasa Barangay Tingub, Mandaue City.
Pero isang kinatawan ng kumpanya ang nagsabi na kinuha nila ang mga produkto sa kanilang partner stores sa Bohol dahil hindi maibebenta ang mga ito dahil sa ban.
Nagdesisyon umano ang kumpanya na kunin na lamang ang mga produkto para sirain.
Matatandaan na ipinagbawal ng Food and Drug Administration (FDA) ang pagpasok sa bansa ng mga pork products mula sa 20 bansa kabilang sa China na mayroong mga kaso ng ASF.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.