Faeldon nagmatigas na hindi magbibitiw sa pwesto
Nagmatigas si Bureau of Corrections (BuCor) chief Nicanor Faeldon na hindi siya magbibitiw sa pwesto sa kabila ng kontrobersyal na paglaya ng mga convicts sa ilalim ng good conduct time allowance (GCTA) law.
Sa pagdinig sa Senado araw ng Lunes, sinabi ni Faeldon na hindi siya magre-resign dahil gumagawa siya ng anyay “good job.”
Ipinaubaya nito sa kanyang appointing authority na si Pangulong Rodrigo Duterte kung ano ang kapalaran niya sa BuCor.
Ito ay kahit inamin ni Faeldon na pinirmahan niya ang anyay “memorandum of release” para sa convicted na rapist at murderer na si dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez.
Pero paliwanag nito, ang kanyang pinirmahan ay hindi ang “final order” na magpapalaya sana kay Sanchez.
Katunayan ay kinuwestyon umano ni Faeldon ang rekomendasyon na palayain si Sanchez dahil sa good conduct pero sinabi rin nito na tali ang kanyang mga kamay dahil sa batas.
Ang pahayag ni Faeldon ay tugon sa tanong ni Sen. Risa Hontiveros kung hindi ba ito magbibitiw sa pwesto sa gitna ng mga kontrobersya sa paglaya ng mga nahatulang guilty sa karumal-dumal na krimen.
Sa hearing ay ikinatwiran ni Faeldon na ni-recall niya ang dapat ay release order ni Sanchez dahil sa galit ng publiko.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.