Pagpopondo sa Universal Health Care Law tiniyak ni House Majority Leader Romualdez
Siniguro ni House Majority Leader Martin Romualdez na ginagawa ng Kongreso ang lahat para tugunan ang kakulangan sa pondo para sa implementasyon ng Universal Health Care Act.
Ito’y matapos ang pag-amin ni Health Secretary Francisco Duque III sa budget hearing na hindi pa mailalatag sa susunod na taon ang UHC sa buong bansa.
Ayon kay Romualdez, pinasiguro na ni House Speaker Alan Peter Cayetano na mapopondohan ang UHC para makapaghatid ng nararapat at mahusay na serbisyong pangkalusugan sa mga Pilipino.
Sa tulong ito ng pagkakapasa sa ikatlo at huling pagbasa ng panukalang batas na magpapataw ng excise taxes sa mga nakalalasing na inumin, heated tobacco at vapor products.
Una nang sinabi ni Health Undersecretary Eric Domingo na aabot sa 65 billion pesos ang funding gap ng UHC sa 2020, bagama’t inaasahang makakalikom ng 16.6 billion pesos ang gobyerno mula sa alcoholic beverages sa unang taon ng implementasyon.
Paliwanag pa ni Romualdez, maituturing na basic right ang kalusugan na siyang prayoridad ni Pangulong Rodrigo Duterte kaya nagkakasa na ng komprehensibo at integrated approach ang pamahalaan para gawing abot-kaya ang health services.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.