Plebisito para maging lungsod ang Sto. Tomas, Batangas magaganap sa Sept. 7
Magsasagawa ng plebisito sa September 7 ang Commission on Elections (Comelec) para sa pagsusulong na maging lungsod ang bayan ng Sto. Tomas sa Batangas.
Sa pahayag ng Comelec Martes ng hapon, maaaring bumoto ang mga residente ng ‘yes’ o ‘no’ sa pagiging lungsod ng bayan mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon.
May ilalagay na express lanes para sa mga buntis, persons with disabilities, senior citizens at illterates voters.
Noong October 2018, nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas na naglalayong gawing component city ang Sto. Tomas.
Pero, makukuha lamang ng bayan ang ‘city status’ nito kung mananalo ang ‘yes’ vote sa plebisito.
Kamakailan lamang, sinabi ni Sto. Tomas Mayor Edna Sanchez na batay sa pagtutuos ng Commission on Audit (COA), may net asset ang kanyang bayan na P2.15 bilyon noong 2018 at ikaapat ito ngayong pinakamayamang munisipalidad sa buong bansa.
Sa ilalim ng local government code, maaaring magpanukala na gawing component city ang isang munisipalidad kapag kumita ito ng P100 milyon sa magkasunod na dalawang taon.
Samantala, dahil sa plebisito, suspendido ang voter registration ng Comelec sa Sto. Tomas mula September 4 hanggang 11 at magpapatuloy na sa September 12.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.