Bagyong Jenny tatama na sa Northern Aurora sa susunod na 2 oras
Tatama na na sa bisinidad ng Casiguran, Aurora ang Tropical Storm Jenny sa susunod na dalawang oras.
Ayon sa 11pm severe weather bulletin ng PAGASA, nasa coastal waters na ng Casiguran ang bagyo.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 65 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 90 kilometro bawat oras.
Kumikulos ito sa direksyong Kanluran-Hilagang-Kanluran sa bilis na 35 kilometro bawat oras.
Ayon sa PAGASA, posibleng humina ang bagyo at maging Tropical Depression na lang pagtama sa Aurora.
Nakataas ngayon ang Tropical Cyclone Signal no. 2 sa Isabela, Aurora, Quirino, Nueva Vizcaya, Mountain Province, Ifugao, Benguet, Ilocos Sur, La Union at Pangasinan.
Signal no. 1 naman sa Cagayan, Apayao, Abra, Kalinga, Ilocos Norte, Nueva Ecija, Tarlac, Zambales, Bataan, Pampanga, Bulacan, Metro Manila, Rizal, northern portion ng Quezon kasama ang Polillo Islands at Alabat Island, Cavite, Laguna, Camarines Norte, northeastern portion ng Camarines Sur at Catanduanes.
Ngayong gabi hanggang bukas ng umaga, pabugso-bugso hanggang sa madalas na katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan ang mararanasan sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan, Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, at Aurora.
Mahina hanggang sa katamtaman na minsan ay may kalakasang mga pag-ulan naman ang mararanasan sa Metro Manila, CALABARZON, MIMAROPA, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, at nalalabing bahagi ng Cagayan Valley at Central Luzon.
Sa pagitan naman ng Miyerkules ng umaga hanggang Huwebes ng umaga, mahina hanggang katamtaman na minsan ay may kalakasang mga pag-ulan dahil sa Habagat ang iiral sa Western Visayas, Mindoro Provinces, northern portion ng Palawan kasama ang Calamian at Cuyo Islands, Zambales at Bataan.
Pinag-iingat ang mga residente sa mga delikado at mabababang lugar sa posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Nakataas ngayon ang gale warning o ipinagbabawal ang pagpalot sa mga baybaying dagat ng Batanes at Babuyan Group of Islands at sa mga lugar na nasa storm warning signals.
Miyerkules ng gabi, inaasahang nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.