Daan-daang baboy inilibing nang buhay sa Antipolo; hog raisers umalma
Nasa 1,000 baboy ang sapilitang kinumpiska ng Antipolo City Health Office sa Brgy. Cupang, Antipolo City, simula pa noong Biyernes.
Pero laking gulat ng may-ari ng mga babuyan nang ilibing nang buhay ang kanilang alagang mga baboy.
Kinumpiska ng city health office ang mga baboy matapos mamatay ang isang baboy na nagpakita ng sintomas katulad ng sa mga baboy na namatay sa Rodriguez, Rizal.
Pero giit ng mga hog risers, pwersahan ang pagkuha sa kanilang mga baboy kahit malulusog at malalakas ang mga ito.
Ginawa pa ang paglilibing sa mga baboy malapit sa mga bahay kaya’t nangangamoy at umaalingasaw na ang mga ito.
Mariing kinondena ng People for the Ethical Treatment of Animals (PETA) ang paglilibing nang buhay sa mga baboy at nais panagutin ang lokal na pamahalaan sa ilalim ng animal-cruelty laws.
Ayon kay PETA Senior Vice President of International Campaigns Jason Baker, dapat munang sumailalim sa pagsusuri ng mga veterinarian ang mga baboy at kapag nagpositibo sa sakit ay maayos na kikitilan ng buhay sa pamamagitan ng euthanasia.
Sinabi naman ni Agriculture Secretary William Dar na may protocol para sa tamang ‘culling’ o pagpatay sa mga baboy.
Batay umano sa Animal Welfare Procedure Act, dapat patayin muna ang mga baboy bago ilibing at lalagyan ng kemikal.
Una nang sinabi ni Dar noong Linggo na batid na ang pagkamatay ng mga baboy sa Rodriguez, Rizal at hindi ito dahil sa African Swine Fever (ASF).
Ayaw pa anya nilang isiwalat ang dahilan ng pagkamatay ng mga baboy upang hindi magdulot ng panic sa mga mamamayan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.