RA 10592 nais paamyendahan ni ACT-CIS Rep. Eric Yap
Nais amyendahan ni ACT-CIS Partylist Rep. Eric Yap ang RA 10592 o ang batas na nag aamyenda sa Revised Penal Code.
Hindi anya katanggap-tanggap ang pagbibigay ng kalayaan kay dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez na sangkot sa isang karumal-dumal na krimen.
Kailangan anyang lagyan ng criteria ang mga krimen na nararapat lamang mabigyan ng “good conduct” at hindi nararapat na maisama dito ang mga mabibigat na kaso katulad ng rape with murder ni Sanchez.
Sinabi nito na nakikita ngayon ang butas ng batas.
Kinuwestyon rin nito ang naging batayan ng paggawad ng good conduct kay Sanchez na nito lamang 2010 ay nahulihan ng P1.5 million na halaga ng shabu na itinago sa ilalim ng imahen ng Birheng Maria sa loob ng New Bilibid Prison at noong 2015 ay nakumpiskahan ng flat screen TV at air conditioning unit sa kanyang kubol.
Ayon kay Yap, sumulat siya kay Justice Secretary Menardo Guevarra upang muling pag-aralan ang pagbibigay ng “allowance for good conduct” para sa pagpapalaya kay Sanchez sa ilalim ng RA 10592.
Paglilinaw pa ng kongresista, ang kaso ay hindi lamang para kay Sanchez kundi sa 11,000 bilanggo na posibleng may mas mabigat na kaso at plano ring palayain dahil sa pagkakapasa sa “good conduct”.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.