Ulat na pagpapalaya kay dating Mayor Antonio Sanchez paiimbestigahan sa Kamara
Nais paimbestigahan ni House Committee on Justice Vice Chairman Alfredo Garbin ang napipintong pagpapalaya kay dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez na sangkot sa rape-slay case noong 1993.
Ayon kay Garbin, kailangang tiyakin na naipatutupad nang tama ang Republic Act 10592 o ang Conditional Expanded Good Conduct Time Allowance at tanging mga karapat-dapat na inmates ang makakapag-avail.
Malinaw anya sa record na hindi kwalipikado sa early release dulot ng good behavior si Sanchez dahil nakapagpuslit pa ito ng ilegal na droga habang nakapiit sa New Bilibid Prison.
Lalo lamang rin aniyang magdurusa ang pamilya ng mga nabiktima ng dating alkalde kung mapapalaya ito.
Dagdag pa ni Garbin, maaaring makinabang sa GCTA ang mga drug lord na nakabilanggo sa NBP na tumestigo sa Committee on Justice noong 17th Congress kaugnay sa smuggled na droga.
Ang pakikipagsabwatan umano ng mga ito sa Bureau of Customs ay hindi maituturing na good behavior.
Kaugnay nito ay isusulong rin ng kongresista ang pag-amiyenda sa batas patungkol sa pagpapalaya nang maaga sa mga convicted na kriminal lalo na ang mga sangkot sa heinous crimes.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.