Mga kongresista nagpulong bago magsimula ng budget hearings ngayong araw
Nagsagawa ng majority caucus ang nasa 160 miyembro ng Kamara Miyerkules ng hapon upang pag-usapan ang isasagawang mga pagdinig para sa panukalang P4.1 trillion 2020 national budget.
Ang pulong ay ginanap sa isang building sa Taguig at pinamunuan mismo ni Speaker Alan Peter Cayetano.
Ayon kay Cayetano, naging abala at produktibo ang holiday kahapon para sa mga kongresista.
Tinalakay anya sa pulong ang mga priority measures na binanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo na nakatakdang pag-usapan sa small group meeting ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) sa susunod na linggo.
Nagtakda rin ang Mababang Kapulungan ng timelines at paglilinaw sa mga trabaho at responsibilidad para sa pagpasa sa 2020 national budget.
Magugunitang isinumite na sa Kongreso ng Department of Budget and Management (DBM) ang panukalang 2020 national budget noong Martes.
Ngayong araw magsisismula na ang budget hearings ng Kamara.
Unang tatalakayin ang spending plan ng Philippine Charity Sweepstakes Office and Philippine Amusement and Gaming Corporation.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.