Reparation sa mga biktima ng Marawi Siege, muling inihain sa Kamara
Muling inihain sa Kamara ni Lanao del Sur Rep. Ansaruddin Abdul Malik Alonto Adiong ang panukala para sa reparation sa mga biktima ng Marawi Seige noong 2017.
Base sa House Bill 3418 o ang Marawi Compensation Act ni Adiong, nais nito na mabigyan ng kabayaran ang mga indibidwal at negosyo na naapektuhan ng giyera.
Kapag naging batas ang panukala ni Adiong, magkakaroon ng standards para sa compensation ng may-ari ng mga bahay at negosyo na nasira ng limang buwang giyera maging ito ay partial o fully damaged.
Nakasaad din sa panukala na lumikha ng local board na mangangasiwa ng screening at pagbabayad sa mga biktima.
P50 bilyon ang nais ni Adiong na ilaan para sa reparation na hahatin sa tatlong bahagi.
Ang unang bahagi na P10 bilyon ay manggagaling sa General Appropriations Act, ang ikalawang bahagi ay P20 bilyon na magmumula sa Philippine Charity Sweeptakes Office (PCSO) at sa huling bahagi ay P20 bilyon na magmumula naman sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Paliwanag ng Meranao solon, moral obligation ng pamahalaan ang magbigay ng kongkretong solusyon sa mga kinakaharap na problema ng mga apektado ng giyera.
Noong 17th Congress, inihain na ni Adiong ang kaparehong panukala pero natulog lamang ito sa Kamara.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.