Prayer vigil, ilulunsad para sa OFW na binitay sa Riyadh

By Jay Dones December 30, 2015 - 04:21 AM

 

E.I. Reymond Orejas/Inquirer Central Luzon

Magsasagawa ng prayer vigil ang pamilya Zapanta para kay Joselito Zapanta, ang OFW na pinatawan ng hatol na bitay sa Saudi Arabia kahapon.

Ayon sa pamilya ng OFW na si Jesus at Ramona, nagdesisyon silang maglunsad ng prayer vigil upang bigyan ng pagkakataon ang kanilang mga kaanak at kaibigan na ipagluksa ang pagkamatay ng kanilang anak sa Riyadh.

Ito ay kahit na inilibing na rin agad ang mga labi ni Zapanta sa Riyadh matapos itong bitayin dahil sa pagpatay sa kanyang Sudanese landlord.

Ayon sa pamilya, magaganap ang vigil simula ngayong araw, Miyerkules, sa kanilang tahanan sa Barangay Cabetican, sa bayan ng Bacolor, Pampanga.

Sa kabila ng mga pangyayari, nagpasalamat ang kapatid ni Joselito na si Rose May sa pamahalaan sa pagbibigay ng tulong legal sa kanyang kapatid habang nakakulong sa Riyadh.

Kahapon, nagtungo ang Blas F. Ople police center sa tahanan ng pamilya Zapanta upang gabayan ang mga ito sa tadhanang sinapit ni Joselito.

Nang makumpirma ang balita na natuloy na ang execution, naging emosyonal ang buong pamilya sa malungkot na balita.

Taong 2008, nang magtungo sa Riyadh si Joselito bilang tile-setter.

Gayunman, nakaalitan nito sa kanyang Sudanese landlord sa isyu ng renta na nagresulta upang mapatay ni Joselito ang biktima.

Unang humingi ng kabuuang 48 milyong piso ang pamilya ng Sudanese bilang blood money ngunit nabigo ang pamilya Zapanta na makumpleto ito kaya’t natuloy ang pagbitay sa OFW kahapon.

Naiwan ni Zapanta ang dalawang anak na edad 13 at 11 taong gulang.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.