Mga tren na binili ng PNR mula Indonesia magsisimula nang dumating ngayong buwan
Darating na sa katapusan ng buwan o sa unang linggo ng Setyembre ang dalawa sa siyam na train sets na binili ng Philippine National Railways (PNR).
Sa pulong balitaan sa Malacañang, sinabi ni PNR General Manager Junn Magno na inaantay na lamang na matapos ang commissioning at gumanda ang panahon upang makadaan ang mga barko at makapag-unload na sa pier.
Matatandaang siyam na train sets ang binili ng PNR sa PT Industri Kereta Api (PT INKA) ng Indonesia sa halagang P2.9 bilyon.
Batch by batch ang delivery ng train sets hanggang sa Disyembre.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakabili ang PNR ng mga bagong tren mula sa sariling budget matapos ang 40 taon matapos makatanggap ng P3.5 billion pondo noong 2018.
Ang mga tren na binili ay diesel hydraulic locomotive (DHL) trains at diesel multiple unit (DMU).
Ang DHL trains ay kayang magsakay ng 1,330 pasahero kada biyahe at inaasahang makatutulong ito para maiwasan ang service interruptions lalo na tuwing tag-ulan.
Kayang tumakbo ng DHL trains sa kabila ng baha na may taas na 20 inches mula sa riles.
Samantala, ayon kay Magno, ilan sa mga lumang tren ay isinasailalim ngayon sa rehabilitasyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.