Mas marami pang suicide bombings sa Pilipinas pinangangambahan
Pinangangambahan ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) na masundan pa ang mga suicide bombings sa bansa.
Pahayag ito ni NICA Director-General Alex Paul Monteagudo nang ipatawag sa Senado kasama ang iba pang top security officials ng bansa.
Ayon kay Monteguado, halos kada anim na buwan ay may insidente ng suicide bombing sa bansa kaya’t posibleng magkaroon pa ng kahalintulad na insidente.
Magugunitang naganap ang unang suicide bombing sa bansa noong July 2018 sa isang military checkpoint sa Basilan kung saan 10 katao ang nasawi.
Malagim din ang pag-atake ng umano’y Indonesian suicide bombers sa Jolo Cathedral noong January 2019 kung saan 22 ang nasawi kabilang ang mga sundalo.
Pinakahuling insidente ng suicide bombing sa bansa ay noong June 28 sa isang military camp sa Indanan, Sulu.
Sinabi naman ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. na dapat mabantayan ang ilang ‘vulnerable sector’ upang hindi ma-recruit ng mga terorista.
Kabilang sa mga sinasabing vulnerable sector ay ang Islamic schools, religious leaders, mga preso, overseas Filipino workers at mga simpleng mamamayan.
Kahapon, araw ng Huwebes tinalakay sa Senado ang mga ipinapanukalang amyenda sa Human Security Act of 2007 o batas kontra-terorismo.
Ang pulong ay sa gitna ng mga ulat ukol sa planong pag-atake ng Islamic State sa ilang mga lugar sa Northern Luzon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.