Pag-eksperimento ng MMDA sa trapiko sa EDSA, pinatitigil ni Sen. Francis Pangilinan
Nanawagan si Senator Francis Pangilinan sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ihinto na ang pag-eksperimento sa EDSA na aniya ay nagreresulta naman sa mas mabigat na lagay ng trapiko.
Ayon sa senador, ang mga pasahero ang napeperwisyo ng mga ginagawa ng MMDA dahil binabawasan pa ang kalsada na sila ang gumagagamit.
Ang sitwasyon ng mga pasahero ang nagtulak kay Pangilinan para sa isulong sa Senado ang Magna Carta for Dignified Commuting na layong tiyakin na ang public transport system sa bansa ay ligtas, komportable, maaasahan at abot-kaya ng masa.
Nakasaad din sa panukala ang pagbuo ng National Office on Commuter Affairs.
Sinabi ng senador na nakagulo ang sabay na paghihigpit ng MMDA sa paggamit sa yellow lanes sa EDSA at ang dry-run para sa provincial bus ban.
Ipinanawagan din ni Pangilinan sa mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno na gawing prayoridad ang pagsasaayos at pagpapalawak ng mass transport system.
Binanggit nito na nasasayang ang oras sa trapiko sa halip na magkasama-sama nang mas matagal ang mga pamilya, bukod pa sa nagreresulta ito ng pagkawala ng P3.5 bilyon kada araw base sa pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency o JICA.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.