LJM, inalala ng mga kaibigan at mahal sa buhay
Nagsidatingan ang mga kaibigan, kaanak at kakilala ng yumaong Philippine Daily Inquirer editor in chief Letty Jimenez Magsanoc sa unang araw ng kaniyang lamay sa Heritage Memorial Park sa Taguig City.
Kabilang sa mga namataang bumisita sa mga labi ni Magsanoc ay si Budget Sec. Florencio “Butch” Abad, Chef Jessie Sincioco, mga kolumnista ng Inquirer na sina Randy David, Conrad de Quiros at Vergel Santos, pati na rin ang cancer survivor na si Natalie Palanca.
Binalikan ng kaniyang mga kaibigan ang kanilang mga alaala kay Magsanoc, tulad ni Abad na sinabing dati ay lagi siyang nagrereklamo kay Magsanoc dahil wala itong pinapalampas na mga tanong.
Wala rin aniyang pinipiling tanong si Magsanoc kahit pa presidente ang kaniyang kausap.
Para naman kay Santos, si Magsanoc ang dahilan kung bakit nangungunang dyaryo ang Inquirer ngayon.
Ayon naman kay National Artist for Literature F. Sionil Jose, isang matapang at palaban na tao si Magsanoc, dahil na rin sa isa siyang aktibista.
Pero sa kabila ng pagiging matapang at palaban ng editor, mas naaalala pa rin nila ang ‘softer side’ nito.
Ayon kay Cora Jimenez, isang napaka-mapagbigay na tao si Magsanoc.
Ikinwento naman ni Palanca na palagi siyang ipinagdarasal ni Magsanoc sa EDSA Shrine dahil itinuturing nitong milagro ang pagiging cancer survivor niya.
Sinabi naman ni Msgr. Manny Gabriel, ang paring nagsagawa ng Requiem Mass, na si Magsanoc ay mistulang propeta habang siya ay namumuno sa Inquirer.
Siya ay nagsilbing paalala sa mga tao na kailangan nating magkaroon ng makatarungan at makataong lipunan.
Isa rin aniya si Magsanoc sa mga gumabay sa mga tao noong mga panahong kailangan nilang maalala ang kanilang pinanggalingan.
Marami ring mga prominenteng personalidad ang nagpadala ng mga bulaklak bilang pakikiramay sa mga naiwan ni Magsanoc, tulad na lamang nina Sen. Cynthia Villar, asawang si Manny at anak na si Rep. Mark Villar; Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen. Hernando Iriberri; business leader Manuel Pangilinan; Davao City Mayor Rodrigo Duterte; Sen. Alan Cayetano; Taguig Mayor Lani Cayetano; Speaker Feliciano Belmonte; Abigail Valte at Edwin Lacierda.
Isang malaking bouquet naman mula kay Pangulong Aquino ang inilagay sa tabi ng altar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.