Mga bisita sa Bilibid, kinukuhanan na rin ng larawan

By Kathleen Betina Aenlle December 28, 2015 - 04:42 AM

 

Inquirer file photo

Mayroon nang bagong paraan ang National Bilibid Prison (NBP) para magkaroon ng mas maayos na talaan ng mga bumibisita sa mga preso.

Sa bagong security system na ipinatupad ng NBP simula pa noong December 24 kung kailan dagsa ang mga dalaw, kinukuhanan nila ng litrato ang mga bisita sa reception area, kasama na rin ang kanilang pangalan, edad at address para ilagay sa database.

Sa ganitong paraan, mas kayang ma-monitor ng mga otoridad ang mga madalas, maging ang mga bagong dumadalaw at kung may kaugnayan o relasyon nga ba ang mga ito sa kanilang mga dinadalaw sa loob.

Una munang ginamit ang sistemang ito sa maximum security compound, dahil sa ngayon ay mayroon pa lamang silang 21 computers at hindi pa lahat ng mga ito ay may cameras.

Ayon kay NBP head Supt. Richard Schwarzkopf Jr., mas mapapaigting nito ang seguridad sa kulungan kung ikukumpara sa dating sistema na hinihingan lamang ng ID ang mga dalaw at saka bibigyan ng security passes pag nakumpirma na ang kaugnayan nito sa dadalawing preso.

Ngayon, magkakaroon na sila ng pagbabasehang impormasyon sakaling kailangan para sa anumang imbestigasyon.

Mas mapapabilis din ani Schwarzkopf ang proseso ng pagpapasok ng bisita dahil kung madalas bumisita doon ang isang tao, kailangan na lamang i-check ang kanilang profile sa database.

Magkakaroon na rin ng ganitong makabagong sistema ng seguridad sa medium at minimum security compounds sa mga darating na panahon.

Mayroon na ring mga plano na mas dagdagan pa ang mga kagamitan ng NBP para maisakatuparan ng maayos ang bagong sistema.

Simula noong December 24 hanggang 26, tinatayang nasa 5,000 bisita ang mayroon nang profile sa kanilang database.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.