Pagkadismaya sa diskwalipikasyon ng ‘Honor Thy Father’ inilitanya sa MMFF
Wala man sa mismong Gabi ng Parangal ng 41st Metro Manila Film Festival (MMFF), nagpalakas naman ng tensyon sa gabing iyon ang mensaheng ipinarating ng direktor ng ‘Honor Thy Father’ at itinanghal na Best Director na si Erik Matti.
Sa binasang mensahe ng isa sa mga film crew ng Honor Thy Father, ipinarating ni Matti sa mga nanonood pati na sa pamunuan ng MMFF ang kaniyang pagka-dismaya sa biglaang pagdiskwalipika sa kanilang pelikula para sa kategoryang Best Picture.
Ayon kay Matti, hindi na lamang ito tungkol sa kaniyang pelikula kundi sa mismong paraan ng pagpili ng pamunuan ng MMFF sa mga kalahok na pelikula sa patimpalak.
Aniya pa, bilang isang taga-tangkilik ng mga pelikula, tila hindi na niya kilala ang panuntunan ng MMFF sa pagpili ng magandang pelikula na ilang taon nang pinagdiriwang.
Nakikiisa at suportado niya ang posisyon ng kanilang producer na si Dondon Monteverde sa inilabas nitong pahayag na kumukwestyon at nananawagan ng imbestigasyon para sa nasabing diskwalipikasyon.
Ani Monteverde, ni hindi man lamang sila nabigyan ng pagkakataon na ipaliwanag ang kanilang panig at tila hindi ito naidaan sa kaukulang proseso dahil ipinadala sa kanila ang liham isang araw bago ang gabi ng tanghalan.
Giit pa ni Monteverde, dumaan na nga sila sa hirap nang bawasan ang mga sinehang nagpapalabas ng kanilang pelikula, naharap pa sila sa ganitong sitwasyon.
Ipinagtataka pa nila kung bakit sa Best Picture category lamang diniskwalipika ang Honor Thy Father at hindi sa lahat ng kategoryang sinalihan nito.
Nagpasalamat si Matti sa MMFF para sa ‘free publicity’, pero sa kaniyang Twitter account, sinabi niya na sa dumi ng kalakaran sa MMFF 2015, hindi siya naniniwalang nanalo siyang Best Director dahil aniya, nakatitiyak siyang ni hindi alam ng MMFF kung ano ang best directing.
Pinasalamatan rin ng direktor ang mga Pilipinong walang sawang sumusuporta sa mga pelikulang Pilipino, at sabay na nanawagan na “Let us demand for better films,”dahil aniya, “You deserve better…’Di ako titigil, kung hindi kayo titigil.”
“Maraming salamat po sa libreng publicity, at higit sa lahat, ang pagbukas ng pinto para pag-usapan na sa wakas ng lahat ng filmmakers, pati ng moviegoers, ang mga hinagad nilang pagbabago para sa MMFF,” ani Matti sa kaniyang pahayag.
Hindi rin aniya siya madadala sa isang tropeyo at maninindigan siya sa pakikipaglaban sa isyu lalo na kung alam niya ang tama.
“Buong industriya ng paggawa at panonood ng pelikulang Pilipino ang usapang ito. Kaya salamat na rin sa inyo MMFF. Binuhay niyo ang pag-asa ko para sa pagbabago,” dagdag pa niya.
Samantala, kinondena rin ng Directors Guild of the Philippines Inc. (DGPI) ang biglaang pagdiskwalipika sa Honor Thy Father. Sa kanilang pahayag, kinwestyon nila kung bakit hindi diniskwalipika ng mas maaga ang nasabing pelikula, at na nakikiisa sa lahat ng mga film workers na maging mapagmatyag sa lahat ng nagaganap na kawalan ng katarungan sa patimpalak.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.