Garin: Dengue cases posibleng hindi tumaas kung ipinagpatuloy lang ang Dengvaxia vaccine
Naniniwala si dating Health Secretary at ngayo’y Iloilo Representative Janette Garin na posibleng naiwasan ang pagtaas ng kaso ng dengue sa bansa kung ipinagpatuloy lang ang Dengvaxia vaccination program.
Sa isang pulong balitaan araw ng Miyerkules, iginiit ni Garin na ang layon ng dengue vaccination ay mapababa ang hospitalization cases at mabawasan ang lala ng sintomas ng dengue.
“We were very clear since Day 1, the intention of the vaccination program is to reduce hospitalization by 80% and to reduce the severity by 93%,” ani Garin.
Ayon sa dating health secretary, wala pang gamot sa dengue at may mga magkakasakit pa rin.
Makatutulong umano sana ang dengue vaccine para hindi masyadong maging malala ang sakit.
“Ibig sabihin, may magkakasakit pa rin ng dengue kapareho sa Brazil. Pero yung nagkakasakit ng dengue, mild na lang. Konting sinat, yung iba nadadala sa ospital. Yung nao-ospital mababawasan ng 80 porsiyento. Yung magkaka-severe dengue, yung mamamatay ay mababawasan ng 93 porsiyento,” dagdag ni Garin
Binatikos ni Garin si Health Secretary Francisco Duque III matapos nitong sabihin na hindi pwedeng ipagpatuloy ang Dengvaxia vaccination program sa kabila ng tumataas na kaso ng dengue dahil kailangan pa ng maraming pag-aaral.
Sinabi ni Garin na binabaliktad ni Duque ang katotohanan na wala pa talagang gamot sa dengue.
Hinamon ni Garin si Duque na maging transparent at huwag pairalin ang personal nitong paniniwala tungkol sa bakuna.
“I challenge him to present and to be transparent, ano yung pag-aaral na hinahanap niya? Binabaliktad niya ang katotohanan. The fact remains, first, dengue has no cure. Hindi pwedeng ang personal mong paniniwala ay mangiral. Hindi pwede na ikaw bilang isang duktor o isang tao, kung hindi ka naniniwala sa bakuna, kung naniniwala ka sa milagro, you cannot impose your belief on others,” ani Garin.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.