Comelec registration magpapatuloy na ngayong araw
Ipagpapatuloy na simula ngayong araw, August 1, ang voter registration o sampung buwan bago ang nakatakdang May 11, 2020 Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections.
Ayon kay Commission on Elections (Comelec) spokesperson James Jimenez, inaasahan nila ang dalawang milyong bagong botante sa dalawang buwang registration period na magtatapos sa Sept. 30.
Maaaring magparehistro Lunes hanggang Sabado kasama pa ang holidays mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon sa Comelec offices o sa satellite registration sites sa partikular na lugar.
Magsasagawa rin ng mall registration ang Comelec para mas marami ang makapagparehistro.
Maliban sa pagpaparehistro ng new voters, pwede rin ang reactivation para sa mga natanggal na sa Voters’ list.
Sinabi ni Jimenez na sa ilalim ng polisiya, ang rehistro ng mga hindi nakaboto noong 2018 BSKE at noong May 2019 midterm elections ay deactivated na.
Maaari ring mag-apply para sa ‘change or correction of entries’ tulad ng maling baybay ng pangalan, maling birthdate, gender at iba pa.
Ang pagpapatuloy ng voters’ registration ay sa gitna ng inihihirit na pagpapaliban sa BSKE elections sa 2020.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.