Health Secretary Duque ipinatawag sa Kamara kaugnay sa problema sa dengue
Inimbitahan ni House Majority Leader Martin Romualdez si Health Secretary Francisco Duque III upang mahanapan ng ng kagyat at long term solution ang problema sa dengue.
Bukod kay Romualdez, kabilang sa mga nakipagpulong kay Duque ay ang mga kongresistang nakasasakop sa mga rehiyon na apektado ng epidemya.
Ayon kay Romualdez, dahil wala pang gamot para malunasan ang viral disease tulad ng dengue, umapela ng suporta si Duque dahil ang pakikipagtulungan ng lahat ang solusyon para maipanalo ang giyera kontra dengue.
Hinimok aniya ni Duque ang mga mambabatas na itulak sa mga local government unit (LGU) na pumasok sa kasunduan sa mga ospital sa kanilang lugar para mapalawak ang medical assistance mula sa DOH.
Ginarantiya na rin umano ng kalihim sa mga kongresista na maliban sa financial support ng DOH, maaari ring maipagamit ang ilang makina at kemikal na kailangan ng LGUs para sa mosquito fogging operations.
Simula noong Enero 1 hanggang Hunyo 29, umabot na sa 106,630 ang kaso ng dengue sa bansa o 85% na mas mataas kumpara sa naitala noong nakaraang taon sa katulad ng panahon.
Mula naman Hunyo 30 hanggang Hulyo 6, aabot sa 5,000 ang karagdagang kaso ng dengue at 35 sa mga ito ay namatay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.