Bahagi ng sweldo ng kongresista i-dodonate sa mga biktima ng lindol sa Batanes
Nagkaisa ang mga kongresista na i-donate sa mga biktima ng lindol sa Batanes ang bahagi ng kanilang buwanang sahod.
Ayon kay House Majority Leader Martin Romualdez, nakausap niya si Speaker Alan Peter Cayetano hinggil sa fund drive at ipinaliwanag na nakagawian na sa Kamara ang pagbabahagi sa mga nasugatan, nawalan ng tirahan at mga naulilang residente sa pamamagitan ng salary deduction sa tuwing may tumatamang kalamidad.
Maaari aniyang umabot sa tatlo hanggang limang milyong piso ang malilikom na donasyon mula sa tatlong daang kongresista lalo’t ang karamihan ay nangakong magbibigay ng 50,000 hanggang 100,000 pesos kahit pa limang libong piso lang ang minimum contribution.
Samantala, para mas mapalawak ang kampanya ay hiniling ni Romualdez sa Legislative Security Bureau ang paglalaan ng espasyo sa North at South Wing Lobby ng Kamara para magsilbing collection area ng mga donasyon, pera man o relief packs na ipaparating sa concerned agencies.
Para naman sa mga interesadong magbigay ng donasyon, maaaring makipag-ugnayan sa Chief of Staff ni Batanes Representative Ciriaco Gato na si Attorney Rachel Derigay sa contact number na 09985548060.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.